Photo-op2
Dear Mouse,
Ang ganda-gandang tingnan ang dalawang isdang lalangoy-langoy na ipamumodmod sa mahihirap ng "shadow government" ni Erap.
Parang ganoon lang kadali. Kung buhay ay ang aking mader, masesermonan kung sino man ang nagmunukala ng proyektong ito.
Sa likod ng aming bahay sa Quezon City ay may isang hukay na sementado ang paligid. Oo,Birhinya,sinubukan ng aking mader na mag-alaga ng tilapia. Hindi lang dalawang pirasong tilapia ang pinalangoy sa ginawang maliit na isdaan.
Nagbilang siya ng ilang linggo at naging buwan. Lumaki man ang mga isda ay mga bansot naman. Hindi pa nanganak na tila ba lahat ay lalaki ang mga lintek. Nagastusan si mader sa feeds. Ang mga pusakal na tumutulay sa aming mataas na bakod ay nakikipangisda rin. Ang tubig ay kailangang palitan dahil magiging lason ang tubig na hindi umaagos. Ilang galon ding tubig ang nagamit.Gastos din sa kuryente dahil may sarili kaming water pump.
Ilang buwan ay tuyo na ang isdaan. Nagkaroon kami ng tilapia festival. Piniritong tilapia,inihaw na tilapia at sinigang sa miso na tilapia.
Pagkatapos noon,bawal na ang tilapia sa bahay. Kung gustong kumain ng isda,magbukas ng Ligo. Tipid pa sabi ni mader.Nagtanim din siya ng upo. Daming bunga. Dahil ito ay gumagapang, nakarating pa ito sa kapitbahay. Pati bunga ay nakikikapitbahay. Ilang linggo rin kaming napurga ng upo. Palagay ko kung tumagal pa iyon ay palagi na akong mauupo.(Korni ko). Ang mga bisita namin ay pinababaunan ng upo.Isang bungahan lang yon, tapos namamatay na ang tanim. Hindi tumubo ang mga buto na galing doon. Kailangang bumili na naman ng buto.
Pero tsamba lang pala yon. Wala siyang berdeng daliri. Tinanim niya ang ampalaya, nakalbo namin ang dahon, isang bunga lang ang sumipot.
Nagtanim siya ng kamatis, maputla pa sa taong natakot sa multo ang kulay.
Balik palengke ulit siya.
Gusto ninyong malaman yong proyekto niyang itik ?
The Ca t
0 Comments:
Post a Comment
<< Home