Friday, October 29, 2004

Kuwento ni Mader-Anting-anting

Dear Mouse,

Malapit na naman ang Undas. Marami na namang mga tao sa sementeryo.Pero alam ba ninyong mas nakakatakot sa lumang simbahan kaysa sa loob ng sementeryo?

Sa mga naghahangad ng mga anting-anting, ang dalawang ito ang mga lugar kung saan sinusubok ang mga naghahangad ng pambihirang kapangyarihan.

Mayroon daw kaming kapitbahay noong babae na may kapangyarihang mag-anyong matanda o anumang anyong ibig niya. Kinuwento ng babaeng ito sa aking mader kung paano niya nakuha ang galing na ito.

Una ay pinapunta raw siya sa sementeryo ng hatinggabi at inutusang maglakad nang nag-iisa. Hindi siya pinalilingon kahit mayroon siyang marinig o maramdaman. Dahil sa pagnanais niyang magkaroon ng kapangyarihan, siya ay sumunod.

Habang siya ay naglalakad ng pabalik-balik sa sementeryo, nararamdaman niya ang mga kakaibang pangyayari sa kaniyang likuran. Hindi niya alam kung iyon ay imahinasyon o talagang mga kaluluwang nakasunod sa kaniya.

(Babala: huwag gagawin sa mga sementeryo ngayon na maraming nakatirang mga pulubi na nagrarugby).

Sunod na pagsubok ay ang pagtulog sa loob ng lumang simbahan. Ano ang nakakatakot sa lumang simbahan? Ang lumang simbahan ay para ring sementeryong pinaglibingan noon ng mga taong may pambayad upang magkaroon ng espesyal na lugar sa simbahan.

Habang siya ay nagpapalipas ng gabi sa simbahan ay nasaksihan niya ang mga kaluluwang naglalakad sa loob ng simbahan. Hindi siya pansin ng mga ito pero ang kaniyang obserbasyon ay tila sila mga taong nakulong sa isang panahon ng kasaysayan at wari ay walang kamalayan kung paano sila maalis sa lugar na yon.

Isa pang pagsubok ay ang pinaghintay siyang kumulo ang sinaing. Ubos na ang kahoy na nakatambak sa kusina ay di man lang uminit ang niluluto. Nang bumalik ang matanda ay isang kahoy lang daw ang ginalaw at bigla na lang itong kumulo.

Ito raw ang pagsubok nang pasensiya— matiyagang paghihintay.

Ang huling pagsubok ay ang pag-upo sa krus na daan ng hatinggabi. Ang utos ay huwag tatakbo anuman ang makita at dumaan sa binti.

Ang sabi ng kapitbahay ng aking mader ay isang malaking sawa raw ang kaniyang nakita. Pumikit siya at hinintay niya ang paglingkis sa kaniya.

Nguni’t patuloy lang itong umusad.

Nakuha niya ang anting-anting niya nguni’t wala siyang anak na pagpapamanahan.

Kaya marahil noon daw namatay ang babae ay nahirapan siya bago pumanaw.

May anting-anting pa ba ngayon ? Ano sa palagay ninyo ?

Ang paniniwala sa anting-anting ay hindi lamang sa Pinas.Kahit si Harry Potter ay kailangang mag-aral upang makapagpalipad siya ng walis.

Ang anting-anting ay bahagi ng ating kultura. Ang tunay na may anting-anting ay hindi ito ipinagmamalaki.

Ang maling paggamit nito ang nagiging dahilan ng pagkawala ng bisa nito kaya marami ang taong nag-aakalang wala talagang anting-anting.

Sandali makakain na nga.

DARNA.....

ooops hindi pala bato ang naisubo ko. Pweee.

The Ca t

3 Comments:

At 6:45 PM, Anonymous Anonymous said...

ayon sa aking karanasan ay may katotohanan pa rin yang anting anting na yan. Ang lolo ko ay meron kaya lang ginagamit niya para manggamot. esperitista siya at ang anting anting daw na binigay sa kanya ay maliit na librong latin ang nakasulat na siya lamang ang nakakabasa. Nilinok daw yun ni lolo matapos niyang basahin. :)

-a8

 
At 12:52 AM, Blogger rolly said...

Mukhang mahirap ng gawin ngayon ang mga kondisyones para magkaron ng anting-anting. Sinabi mo na yung tungkol sa paglalakad sa loob ng sementeryo ng mag-isa. Holdap ang aabutin mo. PAgtulopg sa lumang simbahan, baka wala ka ng malugaran at marami na rin yatang natutulog sa simbahan. Yung sa krus na daan, naku, baka masagasaan ka ng lasing na humaharurot sa kalsada. Hindi ka pa naman dapat kumilos.

Bagay na bagay sa undas ang post mong ito, a. Anyway, hindi ko pa rin sigurado kung meron ngang anting-anting pero kung meron man, kangino kaya nanggaling?

 
At 4:39 AM, Blogger cathy said...

albert,
ganoon ang istorya sa lolo. Hindi rin niya pinamana at nilunok din niya.

titorolly,
mayroon sigurong anting-anting pero sa panahon ngayon marami ng masasamang taong maaaring gamitin yon sa kasamaan, ang mga mayroon ay kusa ng inihihinto ang tradisyon sa kanilang pamilya.

 

Post a Comment

<< Home