Friday, October 29, 2004

Tanging Ina

Dear Mouse,

Hindi siya si Ai Ai delas Alas na kahit na sabunutan ninyo ako at bunutan ng kilay ay di ninyo ako makukumbinsi na siya ay tanging Ina. Sa totoo lang,dapat maraming ina ang mag-alsa at ireklamo ang kaniyang papel kung gaano niya pinalalaki ang kaniyang mga anak. Kahit naman dito sa Tate ay wala pa akong nakitang sit-com kung saan ang diborsiyada o biyudang ina ay harapang nakikipaglandian sa mga nanliligaw sa Kanila. Katatawanan man o drama,dapat may leksiyon o kaya ay nagpapakita nang kung anong dapat sa isang kultura kung saan ang ina ay ilaw ng tahanan. Ibig sabihin ay nagbibigay ng liwanag at hindi kadiliman ng isip. Sa kanila ang ilaw ay bumbilya na may balot ng dekulay na papel na pula.

Ang tanging inang gusto kong talakayin ay ang aking sariling ina na ang anibersaryo ng kamatayan ay ngayong Oktubre 31.

Hindi siya perpektong ina dahil walang perpektong ina. Ang ina ay katulad ng mga anak ay natuto rin sa kaniyang mga anak. Kung siya ay perpekto, saan siya perpekto? Ang hindi siya nagagalit ? Ang hindi siya nagpaparusa? Kung ganoon ay hindi siya perpekto. Dahil ito ang mga katangiang dapat ay angkin ng ina.

Ang magalit pag tayo ay mali. Ang parusahan pag tayo ay nagkasala.

Ang aking ina ay mahigpit. Hindi siya mahigpit dahil mahigpit ang kaniyang mga magulang. Siya ay halos di lumaki sa piling ng aking mga lolo. Pinadala siya sa siyudad at tumira sa dormitoryo, habang ang aking lola ay abala sa kaniyang negosyo.

Mahigpit siya dahil may gusto siyang patunayan sa mga kamag-anak naming kinamkam ang lupain ng aking amang bunso sa magkakapatid.

Ibig patunayan ng aking ina na makakatapos kaming lahat kahit wala kaming inaasahang mana sa pamilya ng bawa’t panig.

Sa kahigpitang ito, ako naging rebelde.

Muntik na akong maging katipunera. Eheek.

Ooops sa ibang artikulo ko na yan tatalakayin.

Sa anibersaryo ng aking ina, ay ibig kong alalahanin ang mga iniwan niyang kuwento sa akin, mga katatawanan, mga katatakutan, mga tungkol sa artista at mga pakikisama niya sa iba’t ibang tao.

Sa huling taon ng buhay niya, tuwing Sabado ay nag-uusap kami sa telepono ng mahigit dalawang oras pagkatapos ng kaniyang chemo.

Sa susunod ay ang kaniyang mga kuwento kung itong blogger ay magpapakatino. Tatawagin ko itong Kuwento ni Mader sa aking Blag ehestee,blog.

The Ca t

1 Comments:

At 4:09 PM, Blogger ting-aling said...

Cathy, akala ko nagmumura ka. Naglakihan yung mga mata ko sa tanging..at iba pang kasunod..haha

 

Post a Comment

<< Home