Thursday, January 29, 2004

Gulong ng palad

Dear Mouse, May ubo pa rin ako.Pasensiyahan ninyo kung kalimutan ko muna ang pulitika. Marami na akong natunggang cough syrup kaya marahil ang isip ko ay naglalakbay sa nakaraan. Tagalog ito. Pahihirapan ko lang yong mga Puting nagbabasa sa akin. Nakatingin siya sa aking mukha pero tila ako si Casper na tumatagos ang kaniyang mata sa aking bandang likuran. Korni mang isipan pero ala Humphrey Bogart ko sanang tatanungin siyang “ a penny for your thought”.Malala ang problema ng bataing ire, ang sa isip ko lang. Ang batang ire ay mas matanda sa akin, may tatlong anak at nakapag-asawa na ng dalawang beses. Dati siyang empleyado sa aking pinagtrabahuhan.(past tense). Hindi ko nga siya inabutan dahil papasok pa lang ako ay nakaalis na siya ng mahigit isang buwan. Kaya ko lang siya nakilala ay nang matagpuan niya ako sa opisina habang nilalakad niya ang mga papel na kinakailangan niya para sa kaniyang “birde” (green card). Medyo nagtatampo si bossing dahil siya ay umalis kaya hindi man sinasabi pa ay katumbas na rin ng mga salitang, “Magdusa ka”. Disappearing act lang ang mga drama niya para hindi siya mapilit na pumirma ng mga papel. Dahil ako ang bagong mukha, ako ang kaniyang hiningan ng tulong. Santa Barbara na malapit sa Santa Clara, ano kaya ang magagawa ko, eh accent lang problema ko pa. Isang Linggo pa lang ako sa Estet at pag ako lumabas sa building ay kailangan ko pa ang mapa para di maligaw. Saka di naman ako dapat sa opit na yan. Sa ibang opit ako dapat magtatrabaho. Kung baga Oriental ako … nasa orientation stage. Sandali balik tayo sa batang ire. Niyaya niya akong kumain pagkatapos ng opisina. Dinala niya ako sa Denny’s. Wow. Sa isip ko. Mabago naman ang kinakain kong Jack in the Box o kaya Burger King. Siguro gusto lang nyang may mapaghingan ng sama ng loob. Nangingilid ang kaniyang luhang kinuwento sa akin ang kaniyang buhay. Kumuha ako ng maraming table napkins. Mababaw rin ang aking luha. Ayokong mabasa ang aking pagkain. Lalabsa. Nakipagsapalaran siya sa Estet nang sila ay magkahiwalay ng kaniyang asawang nakatali sa epron ng kaniyang mama. Iniwan niya ang kaniyang dalawang anak. Turista siya. Lakas ang loob niya para mag-aaply sa opisinang pag-aari ng isang Pilipinang may kapartner na Puti. Inisponsor siya. Hinawakan niya ang “marketing”. Namalengke siya ng mga katulad niya na nangangailangan ng trabaho at kailangan din ang permiso para magkatrabaho. Namalengke rin siya ng mga negosyo na nanggailangan ng mga empleyado. Pinagtutugma niya ito at pinaasikaso sa abugado ang mga papeles na dapat asikasuhin. Magaling siya kaya umasenso siya pataas. Naging kamay na kanan siya ni Bossing na mahilig umuwi ng Pilipinas para kumuha ng narses. Yon ang panahon daw na madaling kumuha ng mga narses sa Pilipinas dahil may sarili silang kategoriyang working visang nakalaan sa kanila. Nagkamal sila ng salapi pero parang tubig itong umagos. Pag tanggap ng pera ay nangangati na silang umuwi. Down payment pa lang ay ginagastos na nila. Ang gara ng opisina. Ang copier ay napakalaki at de kulay pa. Puwede akong dumapa para I-Xerox ang aking mukha. Lahat ng empleyado ay may magagandang opisina. Taas ang kilay ko nga nang dumating ako dahil parang nakikinita ko na ang problema, hindi ko pa man nasisilip ang libro at nasusundan ang mga pinagkagastusan. Pero balik tayo ulit sa batang ire. May nakilala siyang isa ring Pilipino at rumingding ulit ang kaniyang puso. Sabi ni bossing, hindi dapat dahil maapektuhan ang kaniyang buhay dahil wala ring kapapelan ang lalaking ire. Sabi naman niya, pakialamera lang talaga. Sa madaling salita (baka maging nobela eh) sila ay nag-away. Sayang namiss ko ang mga dayalogs na “ Kung hindi sa akin ay magiging palaboy ka dito sa Estet. Saan ka pupulutin?” Ang mga sagot naman ay: “Tinumbasan ko naman iyon ng serbisyong parang asong susunod sunod saiyo. Para akong lady-in-waiting na nakatalima sa iyong mga kapritso” Pati naman, puso ko pakikialaman mo?” Luma ang mga dayalogs sa mga soap opera ngayon di ba? Wala siyang trabaho. Wala siyang naipon sa mahigit na pitong taon niyang pagtatrabaho. Isa lamang ang klaseng trabahong alam niya. Ang dayalog ko naman ay ,” Ang buhay daw parang gulong. Minsan nasa ibabaw, minsan nasa ilalalim. Pag ikaw ay matagal sa ilalim, ibig sabihin noon ay flat tire. Kumuha ka ng tutulong saiyo para gumalaw ang gulong. Tinitigan niya ako. Hindi ko siya tinitigan. Binigyan ko siya ng compact. Kasi nagsmudge ang kaniyang eyeliner sa luha. Nakuha rin niya ang kaniyang birde. Nasa ibang siyudad na ako nang mabalitaan kong nagtayo din siya ng opisinang katulad ng negosyo ng dati naming bossing. Di ko pala nabanggit, di ako nagtagal doon. Mahirap turuan sa pananalapi ang mga taong matindi ang galit sa pera na hindi makagasta. Enjoy ko ang kumain sa Hilton tuwing umaga pero kalabisan yon para sa kumpaniyang kailangan may nakalaang pera sa loob ng maraming araw(working capital) at ang pagsingil ay nakadepende sa maipapasok na mga empleyado. Tila baga itlog pa lang ay ay binibilang ng fried chicken. Akala ba nila pag may pera ang isang tao ay magaling na sa negosyo. Kaya nga ba yong mga Pinoy na akala mo magagaling na pinanggalaitihan ang mga OFW para gamitin ang kinita para magtayo ng negosyo para raw…to create jobs…to provide employment ay dapat ipagdasal nang Patawarin ninyo po sila at hindi nila nalalaman ang hirap magtayo ng negosyo kung hindi lang naman sa malamig at o kaya barbecue. Sandali balik tayo sa batang ire. Hindi siya nagtagal sa ilalim ng gulong. May kinuha siyang tutulong para maalis ang flat tire. Ang kapartner ni Bossing na Puti. Wow. Para kong narinig ang mga sigaw na” Ahas….pinakain kita sa aking palad nang wala kang matuluyan. Kinupkop kitang parang kapatid at itinuro ko ang pasikot sikot ng negosyo. Dinamitan kita, sinapatusan…dinala sa New York, sa Vegas, sa Reno, Sa Disneyland, sa ilalim ng Quiapo, sa Divisoria, sa Baclaran at sa Greenhills. Libre lahat. Natulog ka sa Manila Hotel, sa Nikko, sa Philippine Plaza, sa bus, sa eruplano, sa kotse. (dagdag ko yong huli). Wari ko ba ay hindi lang niya pinagalaw ang gulong. Pinatakbo pa niya para managasa. Hindi kasama ito sa sinabi ko. Naniniwala ako sa kama erm karma. Hindi lang niya nadala ang kapartner, pati ang mga kliyente. Kaya nga ba mag-ingat sa pagpapatalsik ng mga manedyer o mga tauhan na halos siya ay nagpapatakbo ng negosyo. Pag ito ang umalis o pinaalis, hindi lang bali ang operasyon, kalaban pa itong mortal. Kahit anong buti ang ipinakita sa simula, ang kapangitan ang maalala sa bandang huli. Ang dating apat na opisina ay nagging isa na lamang. Ang dating malaking opisina ay naging isang kuwarto na lamang na naging masikip dahil sa dami ng lamesang walang tao. Palubog ang bangka. Kahit daga man ay lalangoy para hindi masama paglubog. Isa-isang umalis ang mga tauhan. Ang natira lamang ay ang mga may papel na hinihintay. Hindi na pinag-uusapan ditto ang loyalty. May apartment na babayaran, may pamilyang bubuhayin at may sikmurang kakalam. Ang paglubog ng bapor ay maisisi na rin sa dating bossing. Walang nakapagsabi sa kaniya na ang casino kaylan man ay hindi mabuting lugar na paghanapan ng perang kinakailangan para sa negosyo. Magaling itong negosyo para mga taong may perang itatapon at hindi sa naghahanap.Nagsara ang lumang negosyo. Kung bakit ibang istorya yon. Sa batang ire ulit tayo. Lumago ang kaniyang negosyo lalo balik na naman ang mga narses sa eksena. Panay din ang uwi niya sa Pinas. Nagtayo pa siya ng opisina doon. Diniborsiyo niya ang kaniyang unang asawang meron na ring kinakasama. Nagka-anak pa siyang muli pero ibig niyang makuha ang kaniyang mga anak sa dati. Dahil hindi lumaki sa kaniya ay malayo sa kaniya ang loob ng bata. Para lang sumama sa kaniya sa Estet, kailangang pangakuan niya maraming bagay. Sa madaling salita, kailangan niyang bilhin. Hindi niya mapakinabangan sa bahay dahil magbabanta na uuwi na lang sa Pinas dahil mayroon doong katulong ang kanilang daddy. Dito sa Estet, sila ang nag-aayos ng kanilang higaan. Hindi man sila naglalaba ay napipilitan din silang magmicrowave ng kanilang pagkain. Hindi na sila mga bata. Nakakabuntis na sila. Laki sa lola, laki sa layaw. Tawag ni Hanopol, jefroks..(anoman ang ibig sabihin niyan). Ang ikalawang asawa naman niya ay wala ring trabaho pero hilig ding umuwi. Businessswoman si honey. Kaya kung uuwi siya sa Pinas, isang batalyon ang kaniyang dala. Pinayayaman niya ang airline. Wala na ring ang kaniyang kapartner. Hindi ko alam ang istorya sa pagkawala. Ngayon ay kailangan niya ng pera. Ang bahay na nabili niya ay “hihilahin” na ng bangko. Ang gulong ng buhay niya ay pababa na naman habang ang gulong ng pagpoproceso ng mga papel ng narses ay napakabagal. Dalawang taon. Wala na rin siyang mahihintay na pera doon. Tulad din siya ng kaniyang bossing na itlog pa lang ay piniprito na. Ano ang gusto niyang sabihin ko. Ang oportunidad ay kumakatok lang ng isang beses. Pag pinapasok mo, kandaduhan ang pinto para hindi na makalabas.Lumuha pa rin siya. Pero hindi na nagsmudge ang eyeliner niya. Tatoo na kasi. Disclaimer: Ikatlong bote ng cough syrup na po ang naiinom ko. The CA t

0 Comments:

Post a Comment

<< Home