Ahas, Talangka at si Hudas
Dear Mouse, Hindi ako nagtagal sa kumpaniyang yaon. Baka tumanda ako ng sampung taon. Ayaw kong maging pabrika ang aking katawan ng mga lason dahil sa inis, sa galit at sa stress na dala nang hindi magandang simula. Sa kulang kulang na isang taong nilagi ko roon, marami akong natutuhan tungkol sa buhay: 1. hindi lahat ng ahas gumagapang. Ang iba nakahigh heels, nakasapatos ng Marikina o kaya ay nakastep in. 2. hindi lahat ng tao ay may ugaling talangka. Ang talangka pag tinosta at isinawsaw sa suka, masarap. Yong ibang tao ay kagaya ng mga alimangong bato. Hindi makain, walang silbi, kung hindi tumakbo, mangagat at pumasok ulit sa ilalim ng bato. 3. Si Judas ay immortal. Hindi na siya nagkakasiya sa tatlumpong pilak. Marami na siyang conditiones, katulad ng taas sa suweldo, kapalit ng sikreto ng isang emplyadong kinasusuklaman. 4. may mga taong akala nila ang utak lumalaki habang tumatanda. Ayaw nilang magpaturo. Laking insulto sa kanila. Yan ang sinasabing papunta ka pa lang, pauwi na ako? Pero nakasakay siya sa kalabaw at ako ay sa kabayo. 5. Ibang tao ,may sakit sa atay. Palaging naninilaw. Naninilaw sila sa inggit. Naninilaw sila pag hindi sila napansin. 6. Wala raw matimtimang dalaga sa pabling na among matanda. Pag umuwi ka ng hapon, huwag ka nang bumalik sa gabi. Baka makita mo ang isang sekretaryang palaging late sa umaga na nag-oovertime sa gabi. 6. Malungkot sa taas ng puno, lalo 't maraming taong naghihintay na mahulog ka sa lupa. 7. May amo na ayaw ka hindi dahil sa wala kang alam. Ayaw ka niya dahil marami ka ng alam. Takot siyang makuha mo ang upuan niya. Dito ko naman nakilala ang isang taga bangko na nagturo sa akin ng pasikot- sikot sa importasyon at pagbabangko. Sabi niya, dati siyang seminarista na babalik din sa seminaryo pagkatapos ng isang taon. Sabi ko naman ako ay dating nobisyada na lumabas dahil hindi ko matagalan ang pagluluhod. Unang kita namin sa simbahan ng Santo Domingo. Siya ay nagsasabi ng totoo. Ako nambobola lang. Sabi niya, alam niya. Buking. Wala sana siyang girl friend. Magpapari naman. The CAt
0 Comments:
Post a Comment
<< Home