June-Kasalan pa rin 3
Dear Mouse,
Hindi siya naging maswerte sa kaniyang unang boyfriend. Iniwan siya nang makakita ng nurse dito sa Estet. Nasaktan siya nang malabis. Matagal din siyang tumira sa akin. Mayroon siyang sariling lugar pero, minabuti niyang iwanan nag bahay na iyon at humanap na lamang ng isang kuwarto. Pero sa akin pa rin siya umuuwi sa gabi dahil naaliw siyang makipag-usap sa amin ng aking roommate. Sa gabi ay umiiyak siya. Minsan ay ginawa ko ang hindi nararapat. Pinagtagpo ko sila sa aking tahanan para sa huling pagkakataon ay magkausap sila. Lumayo kasi yong boyfriend niya na isang sulat lamang ang iniwanan. Sa table napkin pa nakasulat. Ang cheap niya. Buti na lang hindi ko naipangpunas sa lamesa noong inabot sa akin ng aking kaibigan na may luha sa mata. Akala ko gagamitin ko ring pampunas ng luha. Yon pala ay nandoon yong paglalahad niya ng goodbye.
Nagkita nga sila sa lugar ko. Pumayag ang boyfriend dahil may papeles siyang dapat kunin.Strategy ko yon sa aking pakikialam sa kanilang love storey. Gusto ko sanang magpatugtog ng kanta ni Basil Valdez, Ngayon at Kailanman pero minabuti kong umakyat para magkasarilinan sila. Baka pumalahaw din ako ng iyak. Kailangan ko ng kleenex. Di ako kagaya noong boyfriend na cheap.
Wala pang limang minuto,umakyat na rin ang aking kaibigan. Sa tingin ko sa mata niya ay mauulit ang eksena sa Perfect Storm. Gusto kong habulin ang boyfriend niya at bugbugin. Gusto kong sabihin sa kaniya ang sakripisyo ng aking kaibigan para lang matulungan siyang makarating dito sa Estet. Kung may vodoo doll lang ako, siguro nagutay sa dami ng karayom na isaksak ko sa manika.
Tanong ninyo eh sinong ikinasal? Maghintay kasi. Makalipas ang isang taon ay ikinasal ang aking kaibigan sa isang manliligaw na dati ay dinusta-dusta niya.Sabi niya: "Kahit na siya ang natitirang lalaki sa mundo ay di ko siya pakakasalan." Yang ang sinasabing huwag magsasalita ng tapos.
Pero in fairness sa kaniyang naging husband, mabait ito at biningyan siya ng engrandeng kasal. Ang aking roommate ay maid of honor.Ayaw niya akong gawing secondary sponsor lang. Kailangan daw nasa presidential table ako. Wala siyang kamag-anak na dumalo maliban sa isang tiyahin na first time niyang nameet sa kasal niya.Lahat ng kamag-anak niya ay nasa Pinas.
Mga eksena:
Isang ninong na kilalang manunulat: Ikaw pala ang kapartner ko. Kamag-anak ka ba ng bride. (Read: Bakit nakasama ka sa listahan ng mga principal sponsors. Ano ang credentials mo?)
Isang ninong na naging mataas na opisyal daw sa isang estado ng Estet: how long have you known the bride? (read:Bakit katabi kita sa presidential table?)
Isang ninang na kilalang isang lider sa pulitika; So what do you do ?
(Read: Tell me what we have in common so I know what qualifies you to become a ninang). Wedding coodinator assigned to show the tables assigned to the guests: I cannot find your name in any table.Me: I must be in the presidential table.
Wedding coordinator: Oh yes. Sorry po kasi hindi po kayo nakaterno. akala ko po hindi kayo ninang.
Me: Utang na loob, huwag ninyo akong pagsuotin ng terno. Madadapa ako.
Okay ang pagkain. Kaya lang ang bilis ng mga waiter na kunin ang mga pinggan. Kalahati pa lang ang nakakain ko ay kinuha na ang plato. Humingi ako ng panibago mula sa lamesang may bakanteng upuan. Tinakpan ko ng invitation nang tumayo ako at kumuha ng drinks. Wala akong pantali.Ang waiter na lumapit ay pupukpukin ko ng aking sapatos na mataas ang takong.
May videong ipinakita. May money dance. Buti na lang nagdala ako ng maraming dolar. Magandang raket yon.Sino man ang isayaw mo ay sasabitan mo ng pera.
Oras na nang bigayan ng envelop ng mga ninong at ninang. Nahihiya ako sa ibinigay ko dahil bigatin ang mga katuwang ko sa kasal. Ang mabigat lang sa akin ay ang aking bag na puno ng pinagibihisan ko para magenjoy kami sa sayaw ng aming barkada. Pati yong groom ay kasama namin sa dance floor na nagwawala.
Kinabukasan, tinawagan ako ng aking kaibigan/inaanak sa kasal para pasalamatan. Pinakamalaki raw ang aking pakimkim. huh? Pwede bang refund? Arekup, Mabuhay ang bagong kasal.
The CA t
1 Comments:
Mabait ka pala talaga, Cath. Me pagka-kupido ka pa. Keep it up. :)
Post a Comment
<< Home