Saturday, May 14, 2005

Ang Mamamatay

Dear mouse,

Karamihan sa nakakita ng pumatay sa isang mamamahayag, pulitiko o kaya isang sikat na tao, ay nagkakasundo sa kanilang paglalarawan sa kriminal.

Tahimik pagdating at pag-alis, walang mababakas na takot, lungkot o awa sa mukha. Tila isang rebulto; malamig, walang puso.

Ang kinaiiba nito sa ibang kriminal ay hindi sila pumapatay ng ibang tao kung hindi ang binayaran lang sa kanila.

Sa dami ng pinapatay na mamamahayag ngayon, hindi ko maiwasang maalala ang nakaraan.

Umaga noon nang nasa opisina na ako at nakikinig ng balita. May pinatay malapit lang sa aming opisina. Binaril habang nakaupo sa kotse subaliā€™t ligtas ang asawang kasama.

Parang kilala ko ang pangalang binanggit. Kilala ko nga. Kausap ko silang magkikita kami sa opisina nila para sa isang pinag-uusapan naming proyekto.

Dali-dali kong tinawag ang driver upang dalhin ako sa opisinang nabanggit. Wala na sila. Dinala na sa pulisya ang bangkay kasama ang maybahay.

Naging kaibigan ko sila dahil sa aking boss. Paborito akong alaskahin noong matandang lalaki pag tungkol sa gobyerno dahil siya ay Marcos forever. Hindi niya matanggap na wala na ang kaniyang dating amo. Ako ang pinagbubuntunan niya ng inis dahil nabalitaan niya na kasama ako sa EDSA. Nang nagdaang gabi ay naanyayahan kaming dumalo sa kaarawan ng isang kaibigan nilang consul.

Masama ang aking pakiramdam kaya kahit anong tampo ng kanilang anak sa akin Ay hindi ako napilit na sumama.

Dumating ang kaniyang anak. Sinabi niya ang sama ng loob niya sa akin. Kung sana raw ay sumama ako ng gabing yaon, marahil daw ay hindi makapasok ng maaga ang mga magulang nila dahil magsasaya kaming magkakasama bago umuwi.

Ugali na kasi naman ang dumaan sa isang kapihan bago tuluyang umuwi, saan mang kami nanggaling at kahit madaling araw na.

Nagkausap kami ng maybahay ng pinatay Isa siyang manananggol at naging Bise Presidente ng isang bangko.

Hindi siya umiiyak. Shock pa siya.

Yumakap siya nang ako ay makita. Ako ang unang-unang dumating dahil malapit nga ang opisina niya sa amin at talagang dapat kaming magkita ng umagang yaon.

Hindi niya makakalimutan ang ilang minutong iyon sa kaniyang buhay.

Nakaupo ang kaniyang asawa sa harapan ng kotse, katabi niya, nang isang lalaki ang yumuko sa may bintanang nakabukas at sinilip sila. Ilang saglit lang ay pumutok ang baril at lumungayngay ang katawan ng kaniyang asawa.

Tiningnan niya ang mukha ng pumatay. Mapula ang mata, makapal ang labi, walang damdaming mababakas sa pagkatao nito. Sumigaw siya ng bakit. Hindi niya naisip na baka naman siya balikan. Tiningnan lang siya at tahimik na lumayo.

Isang bala lang binayaran, isang katawan lang ang nalugmok.

Sa kanila, hanapbuhay lang yaon. Ang pagkaalam namin ay mula limang libo pataas ang bayad sa ganoong gawain.

Patuka sa manok kung ihahambing ang mga matatakpang katiwalian sa pagpinid ng bibig ng mga mamahayag.

Ikanga weatherweather lang. Noon ang lucrative cottage industry ay pagkidnap ng mga Intsik na mayayaman. Ngayon naman ay mga hired assassins.

Ang tanong, may big boss ba sila na siyang nagbibigay ng proyekto o kusang palo lang sila?

Kung baga sa marketing, word of mouth promotion.

The Ca t

3 Comments:

At 1:14 AM, Blogger Michael Pimentel said...

that reminds me of how my sister was cold-bloodedly shot. how sad...

 
At 4:11 AM, Blogger rolly said...

Wala ng kaluluwa ang mga yan.

 
At 9:16 AM, Blogger cathy said...

sorry to hear that keng.

titorolly,
may kaluluwa siguro sila compared sa mga tao na nagtotorture.

kung baga sa kanila. isang bala ka lang, wala ng hirap.
pero kung buhay nga ang inutang , buhay din ang kabayaran.
siguro marami na rin silang beses na namatay kaya naubos na ang kaluluwa sa kanilang katawan.

 

Post a Comment

<< Home