Mga Kababaihan
Dear Mouse,
Habang ako ay nagbabasa ng mga balita sa online newspapers, lumapit sa akin ang babaeng second in command sa organization namin. Babae rin ang aming pinakamataas.
Inimbita niya ako sa isang okasyon ng anibersaryo at pangingilak ng donasyon para sa isang advocate group na tumutulong sa mga babaeng Asyano na naging biktima ng kalupitan ng mga kabiyak sa buhay.
Nakakabilib ang mga kababaihang nagtatag ng ganoong organisasyon. Pinarangalan din nila ang mga kababaihang Asyana na sinasabing nagbreak ng barrier at naging matagumpay sa mga larangang mga Puti o kaya mga kalalakihan lang ang maaring makilala.
Wala akong nakitang Pilipina sa pagtitipon. Maaring masyadong abala ang mga Pilipina para sila sumali sa ganitong mga organisasyon o may sarili silang grupo na tumutulong sa mga kawawang kababayan.
Isa sa mga tampok sa palatuntunan ay ang testimonial ng isa sa mga residente ng shelter nila. Isa siyang Thai. Nagsalita siya sa kaniyang sariling wika at tinatranslate ng isa ring may aksentong Asyana.
Isa siyang biyuda na may dalawang anak na nakapangasawa ng Puti. Dinala siya rito sa Estados Unidos kung saan siya ay nagkaroon pa ng dalawang anak. Wala siyang pinag-aralan at sa pamamagitan lang mga pauntol-untol na pagsasalita, sila ay nagkakaunawaan. Karaniwang may-bahay lang siya at wala siyang kamuwang-muwang sa mundo sa labas ng kaniyang tahanan. Akala niya ay proteksiyon lang sa kaniya ang huwag siyang palabasin, huwag ipagamit ang telepono at ang sobrang higpit sa kaniyang anak sa unang kabiyak.
Pero alam niyang hindi aksidente ang mahulog siya sa hagdan. Naramdaman niya ang tulak.Alam rin niyang naging tahimik ang kaniyang panganay na anak at palaging nakatingin sa kawalan. Alam niyang meron itong suliranin na hindi niya mapilit ilabas.
Dumating ang panahon na hindi na sila binibigyan ng pagkain. Niyakag siya ng kaniyang panganay na umuwi na lang sa kanilang bansa. Takot siya. Tulad ng ibang Asyana, siya ay mapagtiis. Akala niya ay walang tutulong sa kaniya hanggang may nakapagsabi sa kaniyang anak ng numero ng shelter. May sumagot sa kaniya sa kabilang kawad at ilang minuto lang ay may nakausap na siyang isang kababayan na volunteer sa organisasyon na yon. Tumakas siya, kasama ang apat na anak.
Pinag-aral siya sa isang paaralan kung saan natuto siya ng kaalaman na nagbukas sa kaniya ng kaniyang bagong mundo. Mga ilang buwan pa ay nakalipat na siya sa isang tirahang mababa lang ang upa. Ang mga anak niya ay ipinasok sa mga paaralan kung saan sila ay nagpapanibagong buhay.
Maraming kasaysayan pa. Ang iba ay isinadula at iba ay ginawang awit. Marami rin ang kinuha kong table napkins.
Ang pinakamataas sa aming organisasyon ay isang babaeng biktima rin ng domestic violence, rape at incest noong kabataan niya. Ang kaniyang mga dinanas ay nakasaad sa kaniyang mga tula. Sa mga okasyong kailangang magsilbi ng inspirasyon, siya ay naanyayahan. Isa siyang matagumpay sa ibang larangan. Hindi niya nakakalimutan ang kaniyang pinagdaanan at siya ang nagbibigay ng pag-asa sa mga babaeng biktima ng buhay. Sa edad niyang mahigit na animnapu, siya ay aktibo pa rin sa mga community oriented activities.
May mga babaeng mahahangaan at may mga babaeng kasusuklaman.
Alin kaya tayo dito? Mga kababaihan?
The CA t
0 Comments:
Post a Comment
<< Home